Pensyon ng nakatatandang Cotabateño para sa 4th Quarter CY 2024, sinimulan nang ipamahagi ng kapitolyo

Amas, Kidapawan City | Oktubre 17, 2024 – Nagsimula nang maglibot sa iba’t ibang panig ng probinsya ang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato na pinamumunuan ni Gov LALA TALIÑO-MENDOZA upang ipamahagi sa libo-libong nakatatandang Cotabateño ang social pension na sakop ang mga buwan sa ikaapat na quarter ng taong 2024 o mula Oktubre hanggang Disyembre.

Ang naturang ayuda ay nagmula sa Social Pension Program ng pamunuan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na itinataguyod ng tanggapan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian at ni DSWD XII Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr. sa rehiyon dose at may layuning matustusan ang pangunahing pangangailangan ng mga senior citizens sa bansa tulad ng pagkain, gamot, at iba pa.

Tinatayang Php287,628,000.00 na kabuoang halaga ang nakatakdang ipamahagi sa 95,876 social pensioners sa buong lalawigan na agaran namang inihatid ng pamunuan ni Gov. Mendoza partikular na ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Treasurer’s Office (PTO) upang mapakinabangan na ng mga benepisyaryo.

Unang tinungo ng mga nabanggit ang bayan ng Pigcawayan na may 5,077 senior citizens mula sa apatnapung (40) mga barangay kabilang na ang mga nasa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao – Special Geographic Area (BARMM-SGA). Bawat benepisyaryo ay makakatanggap ng P3,000 halaga ng pensyon para sa tatlong buwan o aabot sa Php15.23M na pondong inilaan ng pamahalaan para sa bayan.

Kabilang sa mga pinuntahan ng grupo kasama sina board members Roland Jungco, Dr. Edwin L. Cruzado at Sittie Eljorie Antao-Balisi bilang mga kinatawan ni Gov. Mendoza para sa unang araw ng pay-out sa bayang nabanggit ay ang mga barangay ng Renibon, Anick, Tigbawan, Kimarayag, Upoer Baguer, Capayuran, Balogo, Cabpangi, Tubon, Midpapan I, New Igbaras, Patot, Payong-Payong, New Panay, Presbitero, Midpapan II, Molok, New Culasi, South Manuangan, Central Panatan, Malu-ao at Buluan.

Labis namang ipinagpapasalamat ng mga benepisyaryo ang patuloy na pangangalaga at pagbibigay prayoridad ng gobyerno sa kapakanan ng mga nakatatanda.//idcd-pgo-mombay/PhotobyPSWDO//