Kalusugan, kaginhawaan at kaunlaran, hatid ng Serbisyong Totoo Caravan sa Brgy. Ilian, Magpet

Amas, Kidapawan City – Bilang bahagi ng mga inisyatiba na mas mapaigting ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno sa mga komunidad, isinagawa ang Serbisyong Totoo Caravan (STC) sa Barangay Ilian, Magpet ngayong araw  Oktubre 17, 2024. 

Pinangunahan ito ng Office of the Provincial Planning and Development Coordinator (OPPDC), katuwang ang Provincial Assessor’s Office (PAssO) at iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan at mga ahensya ng pamahalaan.

Abot sa 650 residente ng Barangay Ilian ang nakinabang sa caravan, na naglalayong gawing matatag ang komunidad laban sa mga kaguluhan at patuloy na itong umunlad. Ang STC ay isa sa mga pangunahing programa ng pamahalaang probinsya upang mailapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mamamayan, lalo na sa mga malalayong barangay.

Ang mga serbisyo na inihandog sa caravan ay kinabibilangan ng medical at dental services, veterinary services, road repair/rehabilitation, legal services, land tenure services, birth record registration at verification, libreng gupit, pamamahagi ng food packs, pamamahagi ng seedlings at tilapia fingerlings, at pagsagawa ng Life Support at First Aid training, at technical skills training.

Sa mensahe ng pasasalamat, ipinahayag ni Barangay Ilian Chairman Gospel C. Luhong ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa pamahalaang panlalawigan, national agencies, at sa lahat ng mga nakibahagi upang gawing posible ang aktibidad. Aniya, malaki ang maitutulong ng mga natanggap nilang serbisyo upang mapabuti ang kalagayan ng kanilang nasasakupan.

Bukod sa mga serbisyong ipinagkaloob, isa sa mga tampok na aktibidad ng programa ay ang pamamahagi ng nutri-bun sa lahat ng residente ng Barangay Ilian na isinagawa ng mga kinatawan mula sa tanggapan ni Senador Imee Marcos. Ito ay isa sa mga hakbang upang matugunan ang pangangailangan ng mga bata sa masustansiyang pagkain.

Dumalo naman sa nasabing aktibidad si DILG Acting Provincial Director Inecita Kionisala, at sina Liga ng Barangay Provincial Federation President at Ex-officio Board Member Phipps Bilbao na mga kinatawan ni Governor Mendoza, kasama ang mga department heads ng kapitolyo.  Bumisita rin sina Magpet Mayor Jay Laurence S. Gonzaga at Magpet Vice Mayor Florenito Gonzaga, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, at iba pang mga opisyal ng barangay.// idcd-pgo-delacruz//