Programa para sa dry cropping season for CY 2024-2025, pinag-usapan sa pagpupulong kasama ang mga stakeholders

Amas, Kidapawan City| Oktubre 17, 2024-Isang pagpupulong ang ipinatawag ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) nitong Miyerkules, Oktubre 16, 2024 na dinaluhan ng mga City/Municipal Agriculturist, kawani mula sa Department of Agriculture-Regional Field Office XII (DA-RFO XII), National Irrigation Administration (NIA), at Irrigators Association Presidents.

Ito ay ginanap sa The Basket, Capitol Compound, Amas, Kidapawan City at naging sentro nito ang paghahandang ginagawa ng kapitolyo para sa paparating na dry cropping season ng palay para sa taong 2024-2025, batay na rin sa direktiba ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA na matulungan ang rice farmers na madagdagan ang kanilang ani at kita.

Ayon kay Provincial Rice Coordinator Alan Coronado, kabilang sa mga naging highlight ng pagpupulong ang usapin tungkol sa “Cotabato Rice Revolution Approach” at allocation ng hybrid rice seeds and fertilizer discount voucher ng DA XII kung saan inaasahang mabibiyayaan ang probinsya ng 8,644 bags ng hybrid seeds na mapapakinabangan ng 4,322 na ektaryang sakahan.

Dagdag pa rito, iprinisenta din ng NIA Cotabato Province ang kanilang Contract Rice Farming Program kung saan maaaring makabenepisyo ng abot sa P50,000 production assistance ang bawat kwalipikadong magsasaka ng palay.

Samantala, nagbigay rin ng update ang OPAg tungkol sa implementasyon ng rice revolution program, at iba pang programa na kasalukuyang ini-implementa ng nabanggit na opisina. Nasa nabanggit din na aktibidad si Agriculture Program Coordinator (APCO) ng DA Rey Domingo, Acting Provincial Agriculturist Elena Ragonton, at mga kinatawan at president mula sa irrigators association, communal irrigators association, at small water impounding system association of Cotabato Province.//idcd-pgo-sotto/PhotobyOPAg//