Amas, Kidapawan City I Oktubre 17, 2024 – Magkakaroon na rin ng “halfway home” ang mga Cotabateñong dumaranas ng depresyon at biktima ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso at karahasan, dahil isinasapinal na ng Provincial Implementation Team (PIT) ang Manual of Operation (MOO) ng Sanctuary of Hope (SOH), isang pasilidad na itinalaga ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA, upang mabigyan ng interbensyon ang mga indibidwal na nangangailangan ng pagkalinga ng gobyerno habang pino-proseso pa ang kanilang sarili mula sa mapait na karanasan.
Sa pagpupulong ng PIT na pinangasiwaan ng PGO-Population, Gender and Development (PopGAD) Division nitong ika-14 ng Oktubre, iprinisenta ni PIT Vice Chair / Provincial Health Officer Dr. Eva C. Rabaya at Atty. Luwalhati L. Villavicencio ng Provincial Legal Office (PLO) ang “corrected” MOO kung saan napagkasunduang isasapinal na ito batay sa rekomendasyon at komento ng PLO na siyang sumuri at nagbusisi nito. Pinag-usapan din ang iba pang hakbang na gagawin at mga dokumentong kakailanganin para sa inaasahang paglunsad ng programa bago pa man matapos ang taon.
Katuwang ng kapitolyo ang lokal na pamahalaan ng Arakan at Magpet sa naturang pagsisikap kung saan naroon ang SOH, na dating Covid-19 isolation facility; kasama ang Philippine National Police (PNP), at iba pang stakeholders na magbibigay ng kaukulang serbisyo at suporta upang matulungan ang mga biktima na maka-recover at muling magkaroon ng mataas na pagtingin sa sarili.//idcd-pgo-gonzales/Photocredit:PopGAD/