Amas, Kidapawan City| Oktubre 16, 2024- Inilunsad ngayong araw sa bayan ng Arakan sa pangunguna ng pamahalaang lokal at sa koordinasyon ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ang Tutok Kainan Dietary Supplementation Program Expansion na ginanap sa ABC Hall ng Barangay Greenfield ng munisipyo.
Ang nabanggit na programa ay isang inisyatibo ng National Nutrition Council na mahigpit na sinusuportahan ng pamahalaang panlalawigan na naghahangad na matuldukan ang malnutrisyon sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng 90 na araw o tatlong buwan na dietary supplementation sa mga Nutritionally-at-risk (NAR) pregnant women.
Sa paglulunsad ng programang ito sa Arakan, abot sa 60 mga buntis mula sa Barangay Greenfield, Meocan, Salasang, Katipunan, Malibatuan, at Kabalantian ang nabiyayaan ng isang buwan na supply ng compact food na kinabibilangan ng prebies at brown rice bar nutty fruity na makakatulong para matugunan ang ang kakulangan sa nutrisyon ng nabanggit na mga kababaihan at matiyak na malusog nitong mailuluwal ang kanilang mga sanggol.
Labis na pasasalamat naman ang ipinaabot ni Arakan Municipal Mayor Jeam Villasor kay Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA sa suporta nito sa programa ng NNC at sa pagbibigay nito ng prayoridad sa usapin ng nutrisyon.//idcd-pgo-sotto/PhotobyEvisabella&Enebrija//