Amas, Kidapawan City | Oktubre 16, 2024 – Agarang ibinaba ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA sa iba’t ibang child development centers at supervised neighborhood plays sa probinsya ang gagamiting suplay at pagkain para sa ipinapatupad na Supplementary Feeding Program ng pamunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kaagapay ang tanggapan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian.
Nitong Oktubre 14-16, 2024, magkatuwang na tinungo ng mga kawani ng tanggapan ni DSWD XII Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr. at ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang mga bayan ng Pigcawayan, Midsayap, Makilala, Magpet, Alamada, Tulunan at Carmen upang ihatid sa ikalimang pagkakataon ang mga SFP supplies na tinatayang nasa P3.64M ang kabuoang halaga.
Inaasahang 11,362 day care children na naka-enroll sa 398 Child Development Centers at 67 Supervised Neighborhood Plays mula sa nabanggit na mga bayan ang makakabenepisyo at matutulungang mapaunlad ang estado ng kanilang nutrisyon na isinasakatuparan din katuwang ang mga Child Development Workers at SFP focal persons.//idcd-pgo-mombay/PhotobyPSWDO//