Amas, Kidapawan City | Oktubre 16, 2024 – Sabay-sabay na naghugas ng kamay ang mga mag-aaral ng Katipunan Elementary School sa bayan ng Arakan sa pagdiriwang ng Global Handwashing Day kahapon, Oktubre 15, 2024 gabay ng temang “Why are Clean Hands Still Important?”
Layunin nitong mabigyan ng kamalayan ang lahat lalo na ang mga kabataan hinggil sa kahalagahan ng paghuhugas ng kamay at tamang sanitasyon na isang simple ngunit epektibong paraan upang makaiwas sa iba’t ibang uri ng sakit.
Kasabay ng naturang aktibidad ay ang ceremonial turnover ng Essential Health Care Package (EHCP) logistics para sa mga mag-aaral mula sa grades 1, 2 at 3 ng ikalawang distrito ng probinsya kung saan nakapaloob dito ang toothbrush, toothpaste at germicidal soap na makakatulong sa mga kabataan na mapanatili ang maayos at malinis na pangangatawan.
Bahagi ito ng P2M na pondo na inilaan ng pamunuan ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA para sa naturang health package na nakatakdang ipamahagi sa 73,336 grade 1, 2 at 3 students mula sa iba’t ibang paaralan ng lalawigan bilang pagsuporta na rin ng gobernadora sa nabanggit na inisyatibong nagsusulong ng kalinisan upang makamit ang malusog at matiwasay na pamumuhay.
Ito ay magkatuwang na pinangasiwaan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa ilalim ng pamamahala ni Dr. Eva C. Rabaya, tanggapan ni Department of Education Cotabato Schools Division Superintendent Romelito G. Flores at lokal na pamahalaan ng bayan. Ito ay dinaluhan nina DepEd Health and Nutrition Section OIC Dr. Manuel Andres, Provincial Oral Health Program Coordinator Dr. Divinagracia V. Alimbuyao, Arakan Vice Mayor Girlie Montales, councilors Delfin Moreno at Queenie Wong Gomez, Barangay Chairman Gilbert Jalipa, at mga dentists, nurses, supervisors at school heads.//idcd-pgo-mombay/PhotobyIPHO//