Amas, Kidapawan City I Oktubre 15, 2024 – Isang matamis na tagumpay para sa pamunuan ni Cotabato Governor LALA TALIÑO-MENDOZA ang idinaos na “Mass Graduation Ceremony” ngayong Martes sa Provincial Gymnasium, Amas, Kidapawan City para sa “Season Long Farmers Field School on Corn Production and Post-Harvest Management in Region 12 and BARMM.”
Kabilang sa “15 batches” ng mga magsasakang nagtapos sa loob ng apat na buwang pag-aaral o pagsasanay na isinagawa nitong Hulyo hanggang Oktubre ng kasalukuyang taon ang 525 “corn farmers” ng lalawigan na nagmula sa mga bayan ng Alamada, Arakan, Banisilan, Carmen, Libungan, Matalam, Makilala, Midsayap, Mlang, Pigcawayan at Tulunan.
Abot sa P2.175M na kabuoang pondo ang inilaan ng Department of Agriculture-Agricultural Training Institute (DA-ATI) sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., kaagapay sina DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., Field Office-12 Regional Executive Director Roberto T. Perales at ATI Regional Training Center (RTC) 12 OIC-Center Director Jessie V. Beldia, na may katumbas na alokasyon na tig-P145,000 para sa bawat batch ang inilaan para maisakatuparan ang naturang komprehensibong oryentasyon o pagsasanay na may layuning higit na maiangat at mapalawak ang antas ng kaalaman ng “corn farmers” sa pagtatanim, gamit ang makabagong teknolohiya, pagsugpo sa mga sakit at peste na nakakapinsala sa mga taniman, pangangalaga sa kondisyon ng lupang tatamnan, “market access” at marami pang iba.
Sa ginanap na “graduation ceremony,” ipinahayag ni Provincial Advisory Council (PAC) member / former DA Regional Director Amalia Datukan, bilang kinatawan ni Gov. Mendoza, ang lubos na kagalakan ng ina ng probinsya sa tagumpay na nakamit ng mga magsasakang Cotabateño sa mga aral na kanilang natutunan na inaasahang magbubunga ng kaunlaran sa industriya ng mais sa buong lalawigan. Dito, pinasalamatan din ni PAC Datukan ang kolaborasyon ng DA-ATI at Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) na naging daan sa implementasyon ng programa.
Ipinaliwanag din ni PAC Datukan na hangarin din ng “farmers field school” na mapaunlad pa ng mga magsasaka ang kanilang mga natutunan hinggil sa fertilization management, pest management at iba pa upang makamit ang inaasam-asam na mataas na productivity at profitability.
Bago pa man ito nagtapos, ibinahagi nito sa lahat ang hangaring, “bridge the gap, touch the heart and transform farmers into agri-preneurship” at ang pagtitiyak na ang adbokasiyang “Serbisyong Totoo” ni Gov. Mendoza ay patuloy na magiging kaakibat ng mga magsasaka sa mga layunin nitong pag-unlad.
Nakiisa rin sa okasyong pinangasiwaan nina OPAg Acting Head Elena Ragonton at Project Coordinator Rosalie D. Sahidsahid sina 3rd District Representative Ma. Alana Samantha Taliño Santos kasama sina Board members Jonathan M. Tabara, Ivy Martia Lei C. Dalumpines-Ballitoc, Sittie Eljorie Antao-Balisi, Dr. Edwin Cruzado, PAC member at former Board member Rosalie H. Cabaya.//idcd-pgo-frigillana/photoby:HGCBellosillo & WSamillano