Amas, Kidapawan City | Oktubre 13, 2024 – Ang pagresponde at paghahanda sa anumang kalamidad ay isa sa mga programang tinututukan ng pamunuan ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA upang matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayang Cotabateño sa lalawigan.
Kaugnay nito, nagtipon ang mga miyembro ng Provincial Disater Risk Reduction Management Council (PDRRMC) kasama ang mga local government officials, Philippine National Police (PNP), at Bureau of Fire Protection (BFP) upang isagawa ang 1-Day Executive Course on Incident Command System (ICS) for Cotabato Province na ginanap sa London Beach Resort, Brgy. Tambler, General Santos City.
Ang naturang aktibidad ay nagbigay ng mahalagang kaalaman at kasanayan sa mga dumalong partisipante para sa epektibong pamamahala ng mga insidente sa kanilang nasasakupan. Sa pamamagitan ng pag-unawa sa ICS, pinahusay ang kakayahan ng mga kalahok sa paggawa ng desisyon, pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya, at pamamahala ng mga pondo sa panahon ng krisis.
Bilang miyembro ng naturang konseho, ipinahayag ni Barangay Provincial Federation President/Ex-Officio Boardmember Phipps Bilbao ang kanyang pagsuporta sa kahalagahan ng Disaster Preparedness Program ng konseho sa pamamagitan ng mga pagsasanay na naglalayong paunlarin ang kakayahan ng mga halal na opisyal, DRRM stakeholders, at komunidad sa pamamahala ng mga sakuna at nakatakdang kaganapan.
Nasa naturang pagtitipon din sina Makilala Mayor Armando Quibod, Pikit Councilor Sitty Nursheena Sultan, Cotabato Police Provincial Office Provincial Director PCOL Gilbert Tuzon, Integrated Rural Development Foundation Mindanao Field Officer Florencia Sojon, at Family Planning of the Philippines (FPOP) Manager Christopher Peñales.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office sa pamumuno ni PDRRMO Head Arnulfo Villaruz.//idcd-pgo-bellosillo/Photoby:PDRRMO//