Provincial Moro Advisory Council, tinalakay ang mga updates hinggil sa mga aktibidad para sa mga Cotabateñong Moro

Amas, Kidapawan CityI Oktubre 9, 2024 – Isinagawa ang 3rd Quarterly Meeting ng Provincial Moro Advisory Council (PMAC) nitong Oktubre  8, 2024 na ginanap sa Provincial Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City.

Tinalakay rito ang mga updates hinggil sa mga aktibidad at inisyatibo ng pamunuan ni Governor Emmylou Mendoza para sa kapakanan ng mga mga Cotabateñong Moro. 

Kabilang dito ang binalangkas na  Executive Order na bumubuo sa Provincial Halal Council upang maipatupad ang pamantayan para sa mga  halal na produkto at serbisyo sa lalawigan. Ang “halal” ay tumutukoy hindi lamang sa pagkain kundi pati na rin sa mga serbisyo alinsunod sa mga prinsipyo, pamantayan at alituntunin ng Islam.  Matatandaang tinalakay na rin sa nakaraang  pagpupulong ng PMAC ang planong pagpapatayo ng Halal slaughterhouse sa lalawigan.

Iprinisenta rin ang katatapos na Training on Solemnizing Officers para sa kasalang Islam, na idinaos nitong buwan ng Setyembre ng kasalukuyang taon, na nakakatulong sa mga ustadz ng lalawigan sa pagganap ng kanilang mga obligasyon bilang tagapangasiwa ng mga kasalan sa kanilang mga komunidad.

Ang PMAC ay binuo ni Governor Mendoza na siyang mangangasiwa sa paglalatag ng mga programa at proyekto para sa mamamayang Moro sa lalawigan.

Pinangasiwaan ang nasabing pagpupulong ng Provincial Governor’s Office sa pangunguna ni Focal Person on Moro Affairs Edris P. Gandalibo, Al Hadj.//idcd-pgo-j.abellana/PhotoCreditsIDCD&PGO-Moro Affairs//