Mga hakbang na ginagawa ng PDRRMC laban sa mga kalamidad at krisis na nararanasan ng lalawigan, tinalakay sa full council meeting

Amas, Kidapawan City | Oktubre 9, 2024 – Patuloy pa rin ang pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng liderato ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza sa pagpapalakas ng mga programang nakatutok sa paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad at krisis na maaaring maranasan at kasalukuyang nararanasan na ng probinsya.

Isa na rito ang estado ng African Swine Fever, kung saan ayon sa ulat na inilahad ni Veterinarian III Rosemarie Guzman ng Office of the Provincial Veterinarian (OPVet) ngayong araw kasabay ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Full Council Meeting, nasa labing-anim na mga bayan na sa lalawigan ang apektado ng naturang sakit at umabot na rin sa P138.6M ang halaga ng naging pinsala nito sa mga babuyang sumailalim sa depopulation.

Kaya naman, upang maibsan kahit papaano ang bigat na nararamdaman ng mga Cotabateñong kabilang sa nasabing industriya, nagpaabot ng tulong ang butihing gobernadora sa mga apektadong hog raisers at caretakers sa pamamagitan ng “cash-for-work” program ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan sinimulan na din ngayong Miyerkules ang oryentasyon sa mga magiging benepisyaryo nito.

Samantala, tuloy-tuloy parin ang mahigpit na pagbabantay sa provincial quarantine facilities, pagsasagawa ng oryentasyon sa mga Barangay Animal Health Provider at iba pang interbensyon na ayon pa kay Gov. Mendoza ay seryosong itinataguyod ng kanyang pamunuan.

Bahagi rin ng naturang pagpupulong ang ipinaabot na pagbati ni Gov. Mendoza kay Department of Science and Technology (DOST) Provincial Director Michael T. Mayo, PhD, dahil sa natanggap nitong pagkilala bilang Best Provincial Director at Best DOST Office ng kanilang tanggapan sa buong rehiyon dose, sa katatapos lamang na DOST XII Gala Night nitong Oktubre 4, 2024.

Sa kabilang banda, tinalakay din ang mga sumusunod: amended 2025 DRRM Annual Investment Plan at Local DRRMF Investment Plan na iprinisenta ni Provincial DRRM Officer Engr. Arnulfo A. Villaruz, Climate Outlook presentation ng DOST at ang hiling ng konseho na maaprubahan sa lebel ng Sangguniang Panlalawigan ang pagrepaso ng Provincial DRRM Code.

Dumalo sa naturang council meeting na ginanap sa University of Southern Mindanao (USM) Commercial Building, Kabacan sina Department of the Interior and Local Government Acting Provincial Director Inecita Kionisala, Cotabato Police Provincial Director Gilberto Tuzon, Department of Trade and Industry Provincial Director Ferdinand Cabiles, ilang opisyales at department heads ng kapitolyo, municipal mayors, at iba pang stakeholders at miyembro ng konseho.//idcd-pgo-mombay/PhotobyWMSamillano//