Amas, Kidapawan City | Oktubre 08, 2024 – Katuwang ang Provincial Cooperative Development Council (PCDC), ipinagdiwang ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ang 2024 Cooperative Month sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Coop Officers Forum noong araw ng Lunes Oktubre 7, 2024, sa IPHO Function Hall, Amas, Kidapawan City.
Sa ilalim ng temang “Cooperatives: Stronger Together Today for a Brighter Tomorrow,” nakatuon sa pagpapalalim ng diskusyon na may kinalaman sa value chain ng mga produktong pang-agrikultura, tulad ng rice processing, coconut processing, at mango processing. Binigyang pansin din ang mga oportunidad para sa mga kooperatiba na palawakin ang kanilang partisipasyon sa iba pang mga sektor, at mapatatag ang kanilang kontribusyon sa lokal na ekonomiya. Ito ay naka-angkla rin hangarin ni Governor Mendoza na higit pang bigyang-pansin ang mga kooperatiba bilang pangunahing katuwang sa pagpapalago ng ekonomiya ng probinsya.
Bilang kinatawan ng gobernadora, nagpahayag ng buong suporta ng kapitolyo sa mga kooperatiba, at miyembro nito si 3rd District Board Member Joemar S. Cerebo na ayon sa kanya ang kooperatiba ay hindi lang nakakatulong sa ekonomiya, kundi nagbibigay din ng mga oportunidad para sa mas inklusibong pag-unlad ng bawat miyembro ng komunidad. Dumalo rin si Provincial Advisory Council (PAC) member Retired Judge Lily Lydia A. Laquindanum, City/Municipal Cooperative Development Officers, at iba pa.// idcd-pgo-delacruz//