Amas, Kidapawan City| Oktubre 7, 2024 – Muling ipinaabot ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza ang kanyang pagsaludo at pasasalamat sa dedikasyon at sakripisyo ng mga guro, na itinuturing na pundasyon sa pagtaguyod ng edukasyon sa Lipunan, kasabay ng ginanap na Division Wide Teachers’ Day Celebration sa Kidapawan City Gymnasium ngayong Lunes.
Ayon sa kanya, malaki ang papel ng mga ito dahil sa kanilang pagmamahal at pagkalinga sa mga mag-aaral na nagbigay daan sa pagbuo ng pangarap ng bawat bata na makapagtapos ng pag-aaral at maging epektibo at produktibo sa napiling karera.
Nabanggit din nito ang pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato na maipaabot ang serbisyo sa sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng tamang paggamit at pamamahala ng Special Education Fund (SEF) na inilalaan ng gobyerno para sa pangangailangan ng mga paaralan.
Dagdag pa ni Gov. Mendoza, na naging posible ang maayos na implementasyon ng mga proyekto sa ilalim ng SEF dahil sa magandang ugnayan sa pagitan ng kapitolyo, DepEd Cotabato Division, at ng samahan ng mga magulang. Hiniling din nito ang mga guro at opisyales ng DepEd Kidapawan Division na laging isaalang-alang ang kapakanan ng kanilang mga mag-aaral.
Nasa naturang selebrasyon din sina Kidapawan City Councilors Aying Pagal at Dina Espina, Kidapawan Schools Division Superintendent Miguel Fillalan, mga guro mula sa iba’t ibang paaralan at iba pang DepEd personnel.//idcd-po-sotto/PhotobyWMSamillano//