Amas, Kidapawan City | Oktubre 7, 2024 – Pinangunahan ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ang 4th delivery ng supplies sa bayan ng Matalam ngayong araw para sa Supplementary Feeding Program (SFP) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kung saan nasa P600,000 na halaga ang inihatid sa nabanggit na bayan para sa 2,000 day care children na naka-enroll sa 74 Child Development Centers rito.
Binigyang diin ni Gov. Mendoza na mahalagang mapanatili ang kalidad ng mga pagkain na inihahain sa mga kabataang benepisyaryo kaya kinakailangan ang agarang paghahatid nito sa mga barangay na makikinabang sa nasabing programa. Inilahad din nito na seryoso ang gobyerno sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko lalo na sa aspeto ng kalusugan ng mga kabataan dahil naniniwala ito na ang pagkakaroon ng malusog na pangangatawan ay nakakatulong upang maging aktibo sa kanilang pag-aaral, maging sa iba pang mga gawain.
Kasama ng butihing gobernadora sina Vice Mayor Ralph Ryan Rafael at councilors April S. Babol at Saturnino Amatac.
Kasabay din nito ang ikaapat na deliveries ng SFP supplies sa mga bayan ng Pikit, Libungan at Kidapawan City na pawang pinangasiwaan ng mga kawani ng DSWD XII, Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Municipal/City SWDOs at SFP focal persons.
Ang nasabing programa ay naisakatupuran sa pamamagitan ng mga tanggapan nina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian at DSWD XII Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr. //idcd-pgo-mombay/PhotobyWMSamillano//