Mental Health Check-up and Awareness, isinagawa para sa mamamayan ng Magpet at Kabacan

Amas, Kidapawan City | Oktubre 5, 2024 – Binisita ng pamahalaang panlalawigan nitong Oktubre 3-4, 2024 ang mga bayan ng Magpet at Kabacan upang magsagawa ng Mental Health Check-up and Awareness sa mga nangangailangang  mamamayan ng mga nabanggit na bayan.

Ang nasabing aktibidad ay pinangasiwaan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa ilalim ng pamamahala ni Dr. Eva C. Rabaya kung saan nasa 89 na mga indibidwal ang sinuri ni IPHO Psychiatrist Esper Ann Castañeda at binigyan ng libre at kaukulang gamot na angkop sa kanilang kondisyon.

Sumailalim naman sa health education orientation ang mga tagapangalaga/caregiver ng mga ito na isang paraan ng kapitolyo upang mabigyan sila ng gabay sa pag-aaruga ng kanilang mga pasyente at makamit ang tuluyang paggaling.

Ang pagtataguyod ng mga programang pangkaisipan ay bahagi ng pagtiyak ng pamunuan ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza na napapangalagaan ang mental health ng mga Cotabateño at natutugunan ang mga suliraning kinakaharap ng mga ito sa pamamagitan ng pagtutulungan ng IPHO, health workers, caregivers, mga lokal na pamahalaan at Rural Health Units (RHUs) ng mga bayan.

Samantala, binisita naman ni Boardmember Jonathan M. Tabara ang naturang programa bilang kinatawan ni Governor Mendoza kasama si Provincial NCD Coordinator Karen Jae G. Cabrillos at iba pang kawani ng IPHO.//idcd-pgo-mombay/PhotobyIPHO//