Amas, Kidapawan City I October 5, 2024 -Bilang tugon sa direktiba ni Governor Emmylou “Lala” J. Talin̈o- Mendoza na labanan ang paglaganap ng ilegal na droga sa lalawigan, ipinatupad ng Provincial Anti- Drug Abuse Council (PADAC) ang serye ng anti-drug symposium sa mga pampublikong paaralan, bilang kampanya sa mga estudyante at oryentasyon naman ng “drug-free workplace” sa mga guro.
Isinagawa ng PADAC ang nasabing aktibidad sa Nicaan Highschool sa bayan ng Libungan nitong ika-3 ng Oktubre 2024, katuwang ang mga ahensya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), at Department of Education (DepEd).
Abot sa 550 na mga estudyante mula sa grade 9 hanggang grade 12 ang aktibong nakilahok sa ginanap na talakayan hinggil sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act of the Philippines sa pangunguna ng PDEA, kung saan idinitalye dito ang mga panganib na maaaring maidudulot dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Samantala, pinaalalahanan naman ang 48 na mga guro ukol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng “workplace” na ligtas at malaya sa iligal na droga na isa sa mga mahahalagang adbokasiya na isinusulong ng pamahalaang nasyonal sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ang aktibidad na nabanggit ay lubos na pinasalamatan ni School Principal Mario C. Benitez sa pamunuan ni Gov. Mendoza na naging daan upang maiparamdam nito ang malasakit at pagkalinga sa mga Cotabateños matiyak lamang na kanilang makakamit ang maunlad, mapayapa at panatag na buhay.//idcd-pgo j.abellana/photo by PADAC//.