Amas, Kidapawan City | Oktubre 5, 2024 – Matagumpay na naisagawa kahapon, Oktubre 4, 2024 ang graduation ceremony para sa 70 na mga Pigcawayanong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na itinataguyod ng pamahalaang nasyonal sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. katuwang ang tanggapan ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian.
Ang naturang aktibidad ay pinangasiwaan ng tanggapan ni DSWD XII Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr. kung saan ang mga nagsipagtapos ay itinuturing nang “self-sufficient” at hindi na umaasa sa tulong na ipinapaabot ng nasabing programa.
Isa din ito sa mga indikasyon ng maayos na implementasyon ng 4Ps sa lalawigan na bunga na rin ng masigasig at aktibong pakikipag-ugnayan ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza sa DSWD at sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
Bilang kinatawan ng butihing gobernadora, inaasahan naman ni Boardmember Sittie Eljorie Antao-Balisi na magpapatuloy pa rin ang pagsisikap ng mga benepisyaryo upang masustina ang nasimulang kaunlaran at kalaunan ay maibahagi din ang naturang tagumpay sa kanilang mga kapwa Cotabateño.
Nasa seremonya din sina DSWD XII Assistant Regional Director for Operation Bonifacio V. Selma Jr., Pigcawayan Municipal Mayor Juanito C. Agustin, Municipal Vice Mayor Niel Jake V. Casi, at iba pang kawani ng DSWD XII, MSWDO, at lokal na pamahalaan ng nabanggit na bayan.//idcd-pgo-mombay/PhotobyBMAntao//