Amas, Kidapawan City | Oktubre 4, 2024 – Nagsagawa ng “Reaching Every Purok Immunization Strategy Orientation” kamakailan ang pamahalaang panlalawigan ng Cotabato na dinaluhan ng healthcare service providers mula sa Rural Health Unit ng bayan ng President Roxas.
Layunin ng naturang oryentasyon na madagdagan ang kaalaman ng mga partisipante hinggil sa epektibo at mahusay na paghahatid ng serbisyo ng pagbabakuna sa kanilang mga nasasakupan. Isinusulong din ng programa ang pagpapalawak at pagpapatibay ng ugnayan sa kanilang komunidad upang mahikayat ang mga ito na makiisa sa National Immunization Program ng pamahalaang nasyonal sa pamamagitan ng Department of Health (DOH).
Mahigpit namang sinusuportahan ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ang nasabing estratehiya upang matututukan ang estado ng imunisasyon sa bawat barangay sa probinsya na isa din sa mga hakbangin upang maproteksyunan ang mga batang edad 0-12 taong gulang laban sa mga sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna.
Ang nasabing aktibidad ay ginanap sa CPH Conference Room, Amas, Kidapawan City sa pangangasiwa ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) na pinamamahalaan ni Dr. Eva C. Rabaya katuwang si Provincial NIP Coordinator Joanna May H. Aranas, RN.//idcd-pgo-mombay/PhotobyIPHO//