Gov. Mendoza, binigyang-pugay ang sakripisyo at dedikasyon ng mga guro sa lalawigan

Amas, Kidapawan City| Oktubre 4, 2024 – Sa idinaos na “Teacher’s Day” ngayong araw sa bayan ng Carmen, muling binigyang diin ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza ang malaking papel ng mga guro sa paghubog sa mga kabataan tungo sa pagkamit ng isang magandang bukas.

Ayon sa gobernadora, ”Our human resources would not obtain their degrees without the dynamic teachers who taught and molded them.” Dagdag pa nito na bahagi ng anumang propesyon sa lipunan ang mga guro na siyang naging pundasyon ng edukasyon mula sa kindergarden hanggang sa kolehiyo.

Nabanggit din nito na isa sa mga prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ay ang sektor ng edukasyon na naging kaagapay ng kapitolyo sa paghubog sa mga kabataan upang maging bahagi ng isang mas maunlad na probinsya, sa pamamagitan ng pagsisimula ng kanilang kamalayan ukol sa halaga ng kaalaman sa pagbuo ng pangarap ng bawat batang Cotabateño.

Nagpasalamat din ito sa malasakit ng mga guro na siyang tumatayong pangalawang magulang ng mga mag-aaral sa paaralan, at sa suporta ng mga ito sa mga programang isinusulong ng pamahalaang panlalawigan.

Ang aktibidad ay ginanap sa Carmen Central Elementary School na dinaluhan ng mga guro mula sa iba’t ibang paaralan ng bayan.//idcd-pgo-sotto/PhotobyWMSamillano//