Amas, Kidapawan City | Oktubre 4, 2024 – Itinuturing ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza na mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga Barangay Health Workers (BHWs) sa pagpapaabot ng iba’t ibang pogramang pangkalusugan na itinataguyod ng pamahalaan.
Kaya, ganoon na lamang ang pagsisikap ng kanyang pamunuan katuwang ang mga lokal na pamahalan upang magkaroon ng sapat na kaalaman at kakayahan ang mga BHWs at masigurong magiging mabilis at epektibo ang pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan. Kabilang na rito ay ang ginawang oryentasyon hinggil sa “BHW as Barangay-Level Health Education and Promotion Officer” na dinaluhan ng nasa 120 health workers ng bayan ng Libungan.
Dito, tinalakay ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga BHWs bilang katuwang sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyong medikal sa mamamayan at bilang mga itinalagang health education and promotion officers sa kani-kanilang barangay.
Pinangasiwaan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa ilalim ng pamamahala ni Dr. Eva C. Rabaya ang naturang oryentasyon, kung saan nagsilbing resource speakers rito sina Provincial BHW Coordinator Rosemarie Respicio at Health Education Promotion Officer II Benjamin Obrero.//idcd-pgo-mombay/PhotobyIPHO//