Amas, Kidapawan City | Oktubre 04, 2024 – Mahigit 700 residente ng Barangay Bato, Matalam ang nakinabang sa Serbisyong Totoo Caravan na pinangasiwaan ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) nitong huwebes, Oktubre 3, 2024 kung saan iba’t ibang serbisyong panlipunan ang dinala sa naturang komunidad upang ipadama ang presensiya ng gobyerno.
Layunin ng ELCAC na sa pamamagitan ng pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan lalo na sa malalayong lugar ay mapaunlad at magiging matatag ang mga komunidad na pinagsisikapang itaguyod ng pamunuan ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza kasama ang mga tanggapan ng kapitolyo, national line agencies (NLAs), local government units (LGUs), Barangay LGU, at iba pang stakeholders.
Kabilang sa mga ibinahagi sa mga taga-barangay ay ang serbisyong medikal at dental, libreng gupit at tuli, land tenure services, seedlings at tilapia fingerlings, veterinary services, at legal services. Nagsagawa rin ng life support at first aid training, road repair/rehabilitation, birth record registration at verification, technical skills trainings, distribusyon ng family food packs, at marami pang iba.
Sa mensahe ng pasasalamat ni Barangay Bato Chairman Michael Mahusay, pinuri ng Kapitan ang inisyatiba ng pamahalaang panlalawigan, at ang walang sawang suporta mula sa mga pambansang ahensya, at ng lokal na pamahalaan ng Matalam. Aniya, malaki ang naitulong ng aktibidad sa kanila, lalo na sa mga residente na nangangailangan ng agarang medikal na interbensyon at iba pang pangunahing serbisyo.
Dumalo sa naturang aktibidad si Boardmember Joemar S. Cerebo bilang kinatawan ni Governor Mendoza, gayundin si Matalam Vice-Mayor Ralph Ryan ‘RapRap’ H. Rafael. Nakiisa rin si Provincial Advisory Council (PAC) Member Albert Rivera, ilang miyembro ng konseho ng bayan, mga opisyal ng barangay, at departament heads ng kapitolyo.
Katuwang ng PTF-ELCAC ang Office of the Provincial Planning and Development Coordinator (OPPDC) at Office of the Provincial Treasurer (PTO) sa pangangasiwa ng naturang aktibidad upang tiyakin ang sistematiko at epektibong paghatid ng mga serbisyo. // idcd-pgo-delacruz//