Amas, Kidapawan City | Oktubre 3, 2024 – Dinayo ng mga residente ng Brgy. Mua-an, Kidapawan City ang isinagawang Medical-Dental Outreach Program ngayong araw na itinataguyod ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng liderato ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza.
Sa nasabing programa na pinangasiwaan ng tanggapan ni Integrated Provincial Health Officer Dr. Eva C. Rabaya, ipinaabot ang iba’t ibang uri ng serbisyong pangkalusugan tulad ng medical check-up na napakinabangan ng 265 na residente at dental services kung saan 18 katao ang natulungan. Nakatanggap din ang mga ito ng libreng gamot batay sa preskripsyon na ibinigay ng mga sumuring doktor.
Abot naman sa 29 katao ang nabahagian sa feeding program at limang malnourished children naman sa distribusyon ng complementary food packages (CFP) upang makamit ng mga ito ang wastong estado ng nutrisyon.
Bilang kinatawan ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza, inilahad ni Provincial IP Mandatory Representative/Ex-Officio Boardmember Arsenio M. Ampalid na ang medical-dental outreach ay kabilang sa mga inisyatibong programa ng butihing gobernadora na naglalayong maipaabot sa mga Cotabateño ang medikal na interbensyon ng kapitolyo. Nasa naturang aktibidad din sina City Councilors Rosheil Gantuangco, Aying Pagal, Dina Espina-Chua, at Judith Navarra kasama sina Atty. Emma Andiano, Dr. Mohaliden Ali at mga miyembro ng Sangguniang Kabataan Federation ng lungsod.//idcd-pgo-mombay/PhotobyIPHO//