Amas, Kidapawan City I Oktubre 3, 2024 – Kaisa ng buong Pilipinas ang pamunuan ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza sa taunang pagdiriwang ng “Elderly Filipino Week” o “Linggo ng Katandaang Filipino” alinsunod sa Presidential Proclamation No. 470.
Itinakda ng nasabing batas ang unang linggo ng buwan ng Oktubre para sa nabanggit na selebrasyon upang mabigyan ng mataas na pagkilala at pagpapahalaga ang suporta at mga naging kontribusyon ng mga nakatatanda sa lipunan. Sa pamamagitan din ng okasyong ito ay naipapakita rin sa mga “elderly” ang lubos na paggalang sa kanila habang napagtutuunan din ng pansin ang kanilang kapakanan at pangangailangan.
Kaugnay nito, sa direktiba ni Gov. Mendoza, nakiisa ang kapitolyo sa pamamagitan ni Program Coordinator Elizer, Jr. J. Padojinog ng Provincial Social Welfare and Development (PSWDO) kasama ang mga namumuno sa Office for Senior Citizen Affairs (OSCA) at Federation of Senior Citizen Association of the Philippines (FSCAP) sa idinaos na “Regional Launching of Elderly Filipino Week 2024” sa South Cotabato Provincial Capitol, Koronadal City, kung saan naging sentro ng okasyon ang “stories of love, milestones and significant community contributions of senior citizens.”
Naging tema ng okasyon ang “Senior Citizens-Building the Nation, Inspiring Generations” na sumasalamin sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga nakatatanda sa paghubog ng “nation’s past and future” na magsisilbing inspirasyon sa makabagong henerasyon.
Dito, ibinahagi ng lokal na pamahalaan ng M’lang na siyang naging “grand champion” sa 2023 Provincial Elderly Filipino Week Celebration ang “medley group presentation,” na tampok ang kanilang galing sa pagkanta at pagsayaw ng “cariñosa folk dance” at “kuradang” na isang lively festival dance ng mga senior citizens.//idcd-pgo-frigillana/photoby:pswdo