Amas, Kidapawan City | Oktubre 3, 2024 – Sumailalim sa oryentasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) XII kahapon, Oktubre 2, 2024 ang 72 Matalameño na mapalad na makakatanggap ng P15,000.00 financial grant mula sa Sustainable Livelihood Program (SLP)-Individual Referral ng pamahalaang nasyonal.
Tinalakay sa naturang oryentasyon kung ano ang SLP na isa sa mga itinataguyod na programang panlipunan ng pamunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa pamamagitan ng tanggapan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Inilahad din dito ang layunin ng programa na mabigyan ng gabay ang mga ito sa maayos na pamamahala sa ibibigay na financial grant upang mapalago ang kanilang napiling pagkakitaan, na inaasahang magiging daan upang matulungan ang mga ito na matugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Nakaangkla din ito sa hangarin ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza para sa lalawigan kasama ang tanggapan ni DSWD XII Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr. na maipadama ang tunay na malasakit at seryosong pagseserbisyo ng pamahalaan sa bawat pamilyang Cotabateño at mapaunlad ang pamumuhay ng mga ito.
Bumisita din sa nasabing oryentasyon sina Boardmembers Jonathan M. Tabara, Ivy Martia Lei Dalumpines-Ballitoc, at Joemar S. Cerebo kasama si Provincial Advisory Council member Albert G. Rivera na nagpaabot ng pagbati sa mga benepisyaryo sabay ang paghikayat sa mga ito na huwag sasayangin ang pagkakataong ibinigay ng gobyerno upang mapaunlad ang kanilang pamumuhay.//idcd-pgo-mombay/PhotobyDSWD XII&BMDalumpines//