New Abra, Matalam nakabenepisyo sa patuloy na medical mission ng kapitolyo

Amas, Kidapawan City | Oktubre 2, 2024 – Patuloy pa rin ang pagsasagawa ng Serbisyong Totoo Medical-Dental Mission ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa ilalim ng pamumuno ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza, kung saan inihatid ng grupo ang libreng serbisyong pangkalusugan sa mga residente ng Barangay New Abra, Matalam.

Sa nasabing outreach, 178 katao ang nakinabang sa libreng konsultasyon, habang 16 residente ang binigyan ng dental services. May 10 kabataan naman ang nag-avail ng libreng tuli, at anim (6) na mga bata ang binigyan ng Complementary Food Packs (CFP), bilang bahagi ng layuning matiyak ang tamang nutrisyon ng mga kabataan. Samantala, 14 na buntis naman ang tumanggap ng “Buntis Kit” na naglalaman ng mahahalagang gamit para sa ina at sanggol nito.

Ang aktibidad ay pinangunahan ng mga doktor mula sa Integrated Provincial Health Office (IPHO) na sina Dr. Donna Belle Evangelio, Dr. Venancio Ang, at Dr. Ma. Zita Villagonzalo, na kasama sa nagbigay ng serbisyo sa nabanggit na aktibidad.

Dumalo rin sa aktibidad si Provincial Advisory Council (PAC) member Albert G. Rivera, bilang kinatawan ni Gov. Mendoza. // idcd-pgo-delacruz // Photoby: IPHO//