P8.66M ayuda mula sa Sustainable Livelihood Program ng DSWD, ipinagkaloob sa mga Cotabateño

Amas, Kidapawan City | Oktubre 1, 2024 – Labis na ipinagpapasalamat ng mga indibidwal at asosasyon mula sa iba’t ibang lokalidad ng lalawigan ang P8,662,540 financial grant na natanggap ng mga ito sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng pamunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na kaisa sa layunin din ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza na maiangat ang pamumuhay ng mga Cotabateño.

Mula sa nabanggit na pondo, P6.88M nito ay para sa 459 individual referrals/walk-in clients na nakatanggap ng tig-P15,000 bawat isa, habang ang natitirang P1.77M naman ay inilaan para sa labing-apat (14) na mga benepisyaryong asosasyon na nagmula sa mga bayan ng Pres. Roxas at Matalam, para sa kani-kanilang napiling negosyo tulad ng bigasan supply, tilapia at native chicken production, at wholesale and retail marketing, at iba pa.

Nagpahayag naman sina Boardmember Jonathan M. Tabara, Provincial IP Mandatory Representative Arsenio M. Ampalid, at Former Boardmember Rosalie H. Cabaya ng kagalakan sa programang ito ng pamahalaang nasyonal na itinataguyod ng tanggapan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, at ni DSWD XII Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr. dahil sa pagkakataong ibinigay sa mga Cotabateño upang magkaroon ng pagkakakitaan at matutustusan ang kanilang mga pangangailangan.

Ang SLP pay-out ay magkatuwang na pinangasiwaan ng DSWD XII at ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na ginanap sa Provincial Capitol Gymnasium, Amas, Kidapawan City. Nasa naturang aktibidad din sina DSWD XII Regional Program Coordinator Edgar R. Guerra, PGO focal person Edgar Visabella, at Municipal SWDOs.//idcd-pgo-mombay/PhotobyLADelaCruz//