Amas, Kidapawan City – Isa sa isinusulong ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliรฑo-Mendoza ang palakasin ang programang pangkalusugan sa lalawigan ng Cotabato sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at proyekto na ipinapatupad ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa ilalim ng adbokasiyang “Serbisyong Totoo.”
Kabilang dito ang isinagawang “Barangay Zero Open Defecation (ZOD) Verification” ng provincial verification team sa pangunguna ni Supervising Sanitary Inspector (SI) Emelinda S. Diesto kasama ang Municipal Technical Working Group at Barangay Water, Sanitation and Hygiene (WASH) Committee ng Barangay Binay at Basak sa bayan ng Magpet.
Matapos ang magkahiwalay na masusing inspeksyon at ebalwasyon sa mga palikuran ng 320 na kabahayan sa Barangay Binay at 586 na tahanan naman sa Barangay Basak, masayang inanunsyo ni SI Diesto na pumasa ang lahat ng ito sa pamantayan ng Department of Health (DOH) bilang ZOD Status Barangay.
Ang naturang deklarasyon ay nakamit dahil sa kooperasyon ng mga residente at pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng liderato ni Governor Mendoza sa mga kinauukulan ng lokal na pamahalaan ng Magpet, kabilang na ang Barangay Binay at Basak.
Kasabay rin ng naturang deklarasyon ay ang pagbigay ng insentibong P20,000 at 20 pirasong “toilet bowls” sa dalawang nabanggit na mga barangay mula sa lokal na pamahalaan ng Magpet na pinamumunuan ni Mayor Jay Gonzaga. Ito ay bilang pasasalamat sa karangalang nakamit ng bayan dahil sa kanilang pagsisikap at pagkakaisa.//idcd-pgo-catalan/Photoby:IPHO//