Amas, Kidapawan City| Setyembre 25, 2023- Bakas ang kasiyahan sa mukha ng isang libong (1,000) bagong iskolar ng probinsya matapos silang lumagda sa memorandum of agreement (MOA) at tumanggap ng kanilang kauna-unahang allowance mula sa pamahalaang panlalawigan ng Cotabato ngayong araw na ginanap sa Provincial Gymnasium, Amas, Kidapawan City.
Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng tig P6,000 allowance o kabuoang P6M na kanilang magagamit sa kanilang pangangailangan sa pag-aaral para sa unang semester ng school year 2023-2024.
Ayon kay Rhever Jude B. Ansing, 2nd year Bachelor of Science in Nursing student ng University of Southern Mindanao (USM) sa Kabacan, Cotabato, itinuturing niyang isang biyaya sa kanyang pag-aaral ang scholarship program ng lalawigan na ayon sa kanya ay malaki ang maitutulong sa kanyang pag-aaral.
โI am so happy na napabilang ako sa new sets of scholars this year. I want to extend my gratitude to provincial government through Gov. Lala for her effort to help the students who are financially challenge lalo na sa part ko bilang nursing student na maraming babayarin, malaki talaga ang maitutulong nito,โ wika ni Ansing.
Pasasalamat din ang ipinaabot ni Emylou Paculio, isa namang estudyante mula sa Cotabato Medical Foundation College, mula sa bayan ng Midsayap dahil ang scholarship program ng probinsya ay nagbukas ng pagkakataon sa mga estudyanteng nais mag-aral ngunit walang kapasidad dahil na rin sa kahirapan.
โThis program is very helpful po talaga especially sa mga estudyanteng eager mag-aral pero dahil sa financial hindrances ay hindi nakapagpatuloy ng pag-aaral.โ
Inspirasyon naman ang hatid ng mensahe ni Former Schools Division Superintendent at ngayon ay Provincial Advisory Council (PAC) Member Dr. Gloria Mudanza sa mga benepisyaryong iskolar kung saan pinaalalahanan niya ang mga ito na wag sayangin ang oportunidad na ibinigay sa kanila ng pamahalaan at gamitin ito upang mabigyang katuparan ang kanilang mga pangarap sa buhay.
Binigyang diin din nito ang importansya sa pagsunod sa payo ng mga magulang at pagiging responsable sa paggawa ng mga desisyon sa buhay.
Sa kanyang pagbisita sa aktibidad, inihayag ni Governor Mendoza na sa pagbibigay ng scholarship grant ang lahat ng mga kabataan pati na yong mga nasa malalayong barangay ng lalawigan ay nabibigyan ng pantay na oportunidad.
Nabanggit din niya sa mga ito ang kahalagahan ng edukasyon lalo na sa pagtulong upang maiangat ang estado ng buhay ng kani-kanilang mga pamilya.
Dumalo rin sa aktibidad si Boardmember Roland Jungco, PAC Members Alma Tuyan at Sylvia Cabading at Provincial Scholarship Coordinator Jayde Ferolin.//idcd-pgo-sotto/photobySMNanini&WMSamillano//