Amas, Kidapawan City | Halos hindi makapaniwala ang mga Arabic teachers na ang dating pinapangarap lang nilang honorarya ay napasakamay na nila matapos ang isinagawang pamamahagi ng pamahalaang panlalawigan alinsunod sa direktiba ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliรฑo-Mendoza.
Ang nasabing programa ay kauna-unahan sa lalawigan kaya ganoon na lamang ang saya ng nabanggit na mga guro nang tinanggap ang honorya mula sa mga representante ng Provincial Governor’s Office – Moro Affairs na pinamumunuan ni Edris P. Gandalibo, Al Hadj.
Ito ay bahagi ng ipinangako ng ina ng lalawigan sa mga kapatid na Moro na tututukan nito ang mga pangangailangan ng nasabing sektor upang masiguro na hindi sila mapag-iiwanan sa mga benepisyo na nararapat ibigay sa kanila ng pamahalaan.
Bilang patunay na tapat ito sa kanyang adhikain, naglaan ang gobernadora ng kaukulang pondo para sa P500 kada buwan sa 700 na mga benepisyaryo sa buong lalawigan.
Ayon sa impormasyon mula sa PGO-Moro Affairs, abot sa P2,000 bawat isa ang tinanggap ng mga mapalad na benepisyaryo o may katumbas na halaga na P1.4M para sa mga buwan ng Enero hanggang Abril ngayong taon.
Sinimulan ang pamamahagi nito lamang Martes ika-22 ng Agosto sa 360 na mga benepisyaryo sa Unang Distrito, at sinundan ngayong araw sa 113 Arabic teachers sa Ikalawang Distrito. Magpapatuloy naman bukas ang aktibidad para sa 227 na mga benepisyaryo mula sa Ikatlong Distrito.
Samantala, bilang suporta ni Department of Social Welfare and Development Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr. ay namahagi rin ng family food packs sa kaparehong mga benepisyaryo kasabay ng isinagawang distribusyon.//idcd-pgo-gonzales/photoby:PGO-Moro Affairs