Amas, Kidapawan City | Hunyo 19, 2023 – Opisyal nang pinasinayaan ngayong araw ng Lunes ang higit P48M na halaga ng Farm-to-Market Road (FMR) concreting project mula sa Brgy. Malapag, Carmen hanggang sa Brgy. Tinimbacan, Banisilan kung saan higit anim na libong mga residente ng nabanggit na mga barangay ang makikinabang.
Ito ay isang 4.5-kilometer road network na matutulungan hindi lang ang may 870 na mga magsasaka kundi pati na rin ang kabuoang 1,234 households na sakop ng dalawang barangay.
Ang nasabing proyekto na pormal nang tinurnover ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza kasama si Department of Agriculture (DA) XII OIC-Regional Executive Director John B. Pascual, ay magkatuwang na ipinatupad ng ahensiya, sa ilalim ng Philippine Rural Development Project (PRDP), at ng pamahalaang panlalawigan na naglaan ng P4.8M counterpart o sampung porsyento ng kabuoang halaga ng proyekto.
Sa mensahe ni Gov. Mendoza, nagpahayag ito ng kagalakan dahil sa wakas ay naisakatuparan na rin ang inaasam-asam nitong kongkretong daan sa nasabing lugar na pakikinabangan ng mamamayan lalo na ng mga magsasaka para sa mas madali at maayos na pagpapalabas ng kanilang produkto.
Aniya, 2012, sa unang termino ng kanyang administrasyon bilang gobernador ng lalawigan, binuksan ang nabanggit na Malapag-Tinimbacan Road mula sa P50M pondo ng probinsya, hanggang sa sinimulan ang pagpaplano at konseptwalisasyon taong 2014 at inimplementa naman ito mula 2018 hanggang 2020, at tuluyang nakumpleto ang kinailangang work corrections nito lamang Disyembre ng nakaraang taon.
Masaya ang gobernadora na ang noon ay tila isang matayog na pangarap lang ay isang ganap na katotohanan na ngayon, dahil sa pakikipagtulungan ng lahat ng mga kaagapay na ahensiya ng gobyerno, at maging sa kooperasyon ng mga lokal na opisyales, at ng mga residente ng nabanggit na mga lokalidad.
Inaasahang dahil sa nasabing proyekto na magbibigay-daan para sa mas madali at mabilis na paglabas-pasok ng mga produkto ay lalo pang lalago ang industriya ng agrikultura at ang kalakalan dito.
Samantala, dumalo rin sa nasabing turnover si Sangguniang Panlalawaigan Committee Chair on Education and Food Boardmember Jonathan M. Tabara, mga lokal na opisyales, at iba pang kinatawan ng DA-PRDP XII.//idcd-pgo-gonzales//Photoby: WSamillano//