Amas, Kidapawan City-Bumuhos ang pasasalamat na ipinaabot ng mga batang Mlangeños sa katatapos lamang na Summer Kids Peace Camp (SKPC) para kay Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza sa mga bagong karanasan at kaalaman ng mga ito mula sa naturang programa.
Ayon kay Kent Vincent Locario, Grade V pupil ng Bagontapay Central Elementary School, Mlang South District, hinggil sa SKPC, nagpaabot ito ng pasasalamat sa ina ng lalawigan sa pambihirang pagkakataon na ibinigay sa kanila upang maging mas responsableng indibidwal, matuklasan ang kani-kanilang potensyal, pagyamanin pa ang angking galing, at maunawaan ang tunay na kahulugan ng kapayapaan kung saan ibinahagi nito ang salita ni Dalai Lama para sa kanyang kapwa campers na “We can never obtain peace in the outer world until we make peace with ourselves.”
Umaapaw din ang paghanga ni Gwen Cristel Morales, Grade V pupil ng Libo-o Elementary School kay Gov. Mendoza sa patuloy na pagbibigay ng importansya sa mga kabataan upang maipadama ang kanilang kahalagahan sa pagkamit ng minimithing kapayapaan sa lalawigan, at upang maging produktibong batang Cotabateño.
Maliban sa mga kabataan, nagpaabot din ng pasasalamat ang mga guro sa pamahalaang panlalawigan, lokal na pamahalaan ng Mlang at sa lahat ng mga ahensya na nakiisa para sa matagumpay na pagsasagawa ng SKPC 2023.
Labis naman ang kagalakan ni Governor Mendoza sa mensahe ng mga campers at mga guro, higit sa lahat sa matatamis na ngiti ng mga ito na sumalubong sa kanya kasabay ng ginawang closing program ng SKPC.
Pinasalamatan din ni Gov. Mendoza ang aktibo at mainit na partisipasyon at kooperasyon ng bawat isa upang maitaguyod ang naturang programa.
Samantala, masaya rin nitong ibinalita ang isasagawang Volleyball at Basketball Sports Clinic sa nasabing bayan para sa mga batang Mlangeños sa susunod na linggo bilang bahagi pa rin ng patuloy nitong pagsisikap upang palakasin ang kanilang kapasidad sa larangan ng isports.
Dumalo rin sa programa sina Boardmembers Ivy Martia Lei Dalumpines-Ballitoc, Mlang PNP Chief Realan E. Mamon, former PCL President Albert G. Rivera, at mga kinatawan ng pamahalaang lokal ng Mlang at ng Department of Education.//idcd-pgo-dalumpines/gonzales//