Amas, Kidapawan City- Malakas na hiyawan ang pagbati ng 1,879 campers mula sa Matalam North District, Matalam West District, Matalam South District at Matalam Central District sa pagbubukas ng Summer Kids Peace Camp (SKPC) nitong Hunyo 9, 2023 na isinagawa sa Matalam Central Elementary School sa bayan ng Matalam.
Sa mensahe ni Matalam Vice Mayor Ralph Ryan Rafael, pinapasalamatan nito si Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza at ang administrasyon ng Serbisyong Totoo sa pagbigay ng pagkakataon sa mga Grade 5 students ng mga pampublikong paaralan na makilahok sa pagbabalik ng SKPC para sa pagsulong ng kapayapaan at pagkakaiisa sa mga batang Cotabateño.
Sinabi din ni VM Rafael na ang bayan ng Matalam ay mapalad dahil bukod sa SKPC, maraming programa mula sa pamahalaang panlalawigan ang ibinuhos ni Gov. Mendoza para sa mga mamamayan nito, at maging ni 3rd District Representative Ma. Alana Samantha T. Santos sa ilalim ng kanyang adbokasiyang Serbisyo At Malasakit.
Bilang pagsuporta sa tatlong araw na aktibidad, pinaghandaan ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Oscar M. Valdevieso ang pinanabikang fireworks display na masasaksihan sa unang gabi ng aktibidad.
Samantala, sinimulan ang camping activities kaninang umaga sa pamamagitan ng parada at district yells ng mga kalahok mula sa apat (4) na distrito kasama ang Department of Education (DepEd) district supervisors, school heads, pack chiefs at facilitators mula sa Provincial Treasurer’s Office (PTO) at ang tanggapan ni Congresswoman Santos.
Layunin ng programa na panatilihin ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga batang Cotabateño sa pakikipagkapwa-tao, self-awareness, pantay-pantay na karapatan at responsibilidad ng mga kabataan, at mahahalagang kaalaman hinggil sa iba’t ibang relihiyon at tradisyon ng mga tribu dito. Ito rin ay isang pagkakataong makilala at makahalubilo ng mga kalahok ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan ng naturang bayan.
Nakiisa sa nasabing aktibidad sina 3rd District Boardmembers Joemar Cerebo, Jonathan Tabara, at PGO Managing Consultant Albert Rivera bilang mga kinatawan ni Governor Mendoza, Matalam Municipal Councilors April Babol, Christoper Barraca, at Dr. Rommel Vargas, DepEd School Governance and Operations Division (SGOD) Chief Supervisor Julie Lumogdang, DepEd Education Program Supervisor (EPS) Lito Fernandez, DepEd Senior Education Program Specialist for School Mobilization and Networking (SEPS-SMN) Laarni Blase, at Principal In-Charge (PIC) Rosalita Baldestamon.//idcd-pgo-catalan/Photoby:WMSamillano//