Gov. Mendoza nakisaya sa pagbubukas ng SKPC 2023 sa Banisilan

Amas, Kidapawan City -Abot-tengang ngiti at makikislap na mata ang sinalubong ng mga kalahok sa mga dumalong opisyales at panauhin ng Gov. Lala Summer Kids Peace Camp (SKPC) 2023 sa isa sa pinakamalayong bayan sa lalawigan.

Mula sa tatlong school districts at 28 pampublikong paaralan sa bayan ng Banisilan, tinatayang 1,190 Grade V pupils ang sabik nang makiisa at makisaya sa tatlong araw na aktibidad na sinimulan ngayong umaga kasama ang ina ng lalawigan, Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza, kasama ang mga district supervisors, school heads, pack chiefs at mga facilitators.

Sa kanyang mensahe, inihayag ng gobernadora ang mithiin nito para sa probinsya ng Cotabato kung saan ang mga tribu – Kristiyano, lumad, at Muslim ay namumuhay na magkakasama, mapayapa at may respeto sa bawat isa. Ipinaunawa rin ng gobernadora sa mga campers ang halaga ng maayos na relasyon sa kapwa tungo sa pagkamit ng isang maunlad na pamayanan.

Ang SKPC ay inilunsad ni Gov. Mendoza noong 2011 para magbigay daan din upang mas lalo pang makilala ng mga kabataan ang kanilang sarili, mapaunlad ang angking kakayahan, at matuklasan ang iba pang mga potensyal upang ihanda sila sa pagharap sa iba’t ibang hamon sa buhay.

Dumalo rin sa nasabing programa sina Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) Ex-Officio Boardmember Arsenio Ampalid, at Matalam Vice Mayor Ralph Ryan H. Rafael na siyang nagdeklara sa opisyal na pagbubukas ng SKPC 2023 sa Banisilan.

Sumuporta rin ang dalawa pang opisyales ng Matalam na sina councilors April S. Babol at Christopher Baracca, kasama sina Councilor Leah Saldivar at Former Councilor Reyman Saldivar ng bayan ng Kabacan at Makilala Vice Mayor Ryan Tabanay. Ang nasabing aktibidad ay pinangasiwaan ng Office of the Provincial Veterinarian katuwang ang Provincial Youth Development Office (PYDO).//idcd-pgo-gonzales//Photoby SMNanini&LQG//