Amas, Kidapawan City I Mainit na sinalubong ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza ang mga atleta mula sa ibat-ibang probinsya ng rehiyon sa pagsisimula ng SOCCKSKSARGEN Regional Athletic Association (SRAA) Meet ngayong araw, Abril 24, 2023 na ginanap sa Magsaysay Eco-Park, Kidapawan City.
Pormal na binuksan ni Department of Education 12 Regional Director Dr. Carlito D. Rocafort ang muling pagbabalik ng patimpalak sa larangan ng palakasan matapos itong hindi naisagawa sa loob ng dalawang taon dahil sa pananalasa ng Covid-19 sa bansa.
Walong mga delegado na kinabibilangan ng Tacurong City, Sultan Kudarat, South Cotabato, Koronadal City, Sarangani Province, General Santos City, Cotabato Province at Kidapawan City na siyang host ng nasabing aktibidad ngayong taon ang maglalaban-laban sa mahigit 27 na mga sports events simula ngayong araw hanggang Abril 28, 2023.
Sa mensahe ni Governor Mendoza, binigyang diin nito na ang pagkakaibigan, pagtutulungan at pagbuo ng magandang samahan ang tunay na diwa ng kompetisyon upang maging isang matagumpay na manlalaro.
Hiling din nito ang isang mapayapa at ligtas na laro sa bawat atleta upang mahanap ang mga pinakamagagaling na siyang kakatawan sa rehiyon dose sa nalalapit na palarong pambansa.
Nagpakita naman ng buong suporta sa nasabing aktibidad sina Kidapawan City Mayor Jose Paolo Evangelista, Boardmember Joseph A. Evangelista, Philippine National Police Provincial Director PCOL Harold S. Ramos, Schools Division Superintendents, LGU officials at ilang mga kawani mula sa Department of Education (DepED).//PGO-Sopresencia Photoby: WSamillano and SMNanini//