IPHO nagsagawa ng mental health check-up ngayong buwan ng Marso

Amas, Kidapawan City| Marso 8, 2023– Upang matulungan ang mga Cotabateñong dumaranas ng problemang pangkaisipan, muli na namang nagsagawa ng mental health check-up sa apat na bayan ng lalawigan nitong unang linggo ng Marso ang Integrated Provincial Health Office (IPHO).

Abot sa 129 indibidwal mula sa mga bayan ng Magpet (17 patients) Alamada (44 patients) Libungan (18 patients) at Carmen (50 patients) ang nakabenepisyo sa libreng konsultasyon, medical maintenance at health education.

Sa pagpunta ng IPHO sa mga bayan, kasama nila ang isang psychiatrist, psychometrician,. phsical therapist at nars na siyang personal na sumusuri sa mga pasyente.

Ito ay buwanang aktibidad ng tanggapan sa direktiba ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño Mendoza na naglalayong matulungan ang mga pamilyang walang kakayahan na maipagamot at mapatingnan sa espeyalista ang kanilang kaanak na dumadanas ng problemang pangkaisipan.

Ngayong taon abot sa ₱11,049,900 na pondo ang inilaan ng pamahalaang panlalawigan para sa pagpapatupad ng nasabing programa. //idcd-pgo-sotto//