Pamahalaang panlalawigan namahagi ng P4.9M ayuda sa mga hog raisers na naapektuhan ng ASF

Amas, Kidapawan City| Nobyembre 29, 2022- Masayang tinanggap ng 582 na hog raisers mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) outbreak nitong mga nakaraang taon ang ayuda mula sa pamahalaang panlalawigan.

Ang distribusyon ng nasabing tulong na abot sa P4.9M na pinondohan sa ilalim ng Provincial Veterinary Quarantine Fund ay pinangunahan ng Office of the Provincial Veterinarian (OPVet) na ginanap sa the Basket, Provincial Capitol Grounds, Amas, Kidapawan City.

Kabilang sa mga nakatanggap ay ang mga hog raisers mula sa mga bayan ng President Roxas, Banisilan, Tulunan, Antipas, Carmen, Pigcawayan, Kabacan, Libungan, Matalam at Aleosan.

Sa kanyang mensahe binigyang diin ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza na prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagpapatupad ng striktong veterinary quarantine protocols sa provincial borders upang maiwasan ang pagkalat ng nakakamatay na sakit sa hayop gaya ng ASF at bird flu na maaaring makaapekto sa livestock at poultry industry ng probinsya.

Hinihikayat din nito ang lahat ng Cotabateño at mamamayan ng karatig lalawigan na sundin ang inilatag na guidelines at safety veterinary quarantine protocols ng probinsya upang makontrol ang pagkalat ng ASF.

Ang aktibidad ay dinaluhan din nina Board Member Jonathan M. Tabara, Board Member Joemar Cerebo, OPAg Managing Consultant Amalia J. Datukan, Provincial Veterinarian Rufino C. Sorupia, OPVET OIC Dr. Mary Catherine M. Delima, DVM, MPA, at iba pang kawani ng OPVEt at Office of the Provincial Treasurer.//idcd//