Amas, Kidapawan City|Nobyembre 28, 2022- Matagumpay na naisagawa nitong Nobyembre 24-26, 2022 ang tatlong araw na Cotabato Young Leaders Congress (CYLC) 2022 sa SCC Nature Farm, Midsayap Cotabato.
Ito ay nilahukan ng 100 most qualified young leaders na sumailalim sa masusing screening at napili mula sa 300 na mga kabataang aplikante mula sa iba’t ibang panig ng lalawigan.
Ang nasabing mga kabataan ay nagtapos sa tatlong araw na pagsasanay na nagbigay sa kanila ng pagkakataong mas lalo pa nilang makilala ang kanilang mga sarili bilang isang indibidwal, anak, kapatid, kaibigan at bilang isang lider ng kani-kanilang paaralan at komunidad.
Ayon kay CYLC Program Director at Matalam Vice Mayor Ralph Ryan H. Rafael, ang CYLC ay sinimulan ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza noong 2014 na naglalayong hubugin at ihanda ang mga kabataang Cotabateños na malaki ang resposibildad sa pagkamit ng kaunlaran at pagtiyak ng magandang kinabukasan ng bawat mamamayan ng lalawigan.
Sa kanyang mensahe, inihalintulad naman ni Midsayap Mayor Rolando Sacdalan ang mga kabataang sumasailalim sa training sa isang puno na sa pamamagitan ng tamang pag-aalaga at pagmamahal ay magbibigay ng maraming bunga na mapapakinabangan ng nakararami sa hinaharap.
Nagpasalamat naman si Sangguniang Kabataan Provincial Federation President Sarah Joy L. Simblante sa suportang ibinibigay ni Governor Mendoza sa programa na makakatulong sa paglinang sa kakayahan ng mga kabataan ng probinsya.//idcd//