RDC 12 Chair at Cotabato Governor Mendoza hiningi ang suporta ng Philippine Ports Authority

Amas, Kidapawan City | November 28, 2022 – Bilang kasalukuyang Chairperson ng Regional Development Council 12 (RDC12), personal na tinungo ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ang tanggapan ng Philippine Ports Authority (PPA) head office sa lungsod ng Manila upang hingin ang suporta nito para sa pagpapaunlad ng Port of GenSan na nasa General Santos City.

Kasama ang mga matataas na opisyales mula sa SOCCSKSARGEN, binigyang diin ni Governor Mendoza ang kahalagahan ng pag-upgrade ng mga pasilidad sa nasabing port bilang bahagi ng pagsisikap na paunlarin ang ekonomiya sa rehiyon 12 partikular na sa larangan ng agri-fishery industry.

Inihayag ng gobernadora ang pagkawala ng maraming mga oportunidad na magdadala sana ng malaking tulong sa negosyo at ekonomiya ng rehiyon dahil sa pagkansela ng ilang mga transaksyon sa nasabing daungan dahil sa kakulangan ng mga pasilidad dito.

Ayon kay Mendoza mahalaga sa kanilang mga local leaders ang bawat oportunidad saanmang bahagi ng rehiyon dahil makakatulong ito sa pagpapalago rin ang ekonomiya sa mga probinsiyang sakop nito.

Sumang-ayon naman si PPA General Manager Jay Daniel R. Santiago sa pahayag ni Governor Mendoza na kailangan huwag ng patagalin ang pag-implementa ng mga hakbang na kinakailangan upang masiguro ang pag-usad ng rehiyon.

Dahil dito, inilatag din ni Santiago ang development plans and directions ng PPA kung saan kabilang dito ang development ng Port of GenSan na ayon sa kanya ang gagawin sa lalong madaling panahon.

Nagpahayag din ng kumpyansa at suporta ang pamunuan ng PPA kay Mendoza at naniniwalang ang kasalukuyang RDC 12 ay may kakayahang magpabago ng takbo ng ekonomiya sa buong rehiyon.//idcd//