Amas, Kidapawan City I November 28, 2022 – Sa dalawang rounds ng Cotabato Intensive Vaccination Program na inilunsad ng pamahalaang panlalawigan, umabot na rin sa 64,476 na mga indibidwal ang naidagdag sa bilang ng mga tumanggap ng Covid-19 vaccines sa probinsya o 88.72% sa total target nitong mabukanahan nang inilunsad ang programa nito lamang Agosto 2022.
Ito ang magandang balitang ipinaabot ni Integrated Provincial Health Officer Eva C. Rabaya kasabay ng ginawang Provincial Peace and Order Council Meeting nitong Huwebes sa Provincial Capitol Rooftop na pinangunahan ni PPOC Chair Governor Emmylou “Lala’ J. Taliño-Mendoza.
Masaya naman ang gobernadora sa naging resulta ng nasabing programa na inilunsad bilang bahagi ng pagsisikap nitong madagdagan ang vaccination coverage sa lalawigan upang maproteksiyonan ang mga Cotabateños laban sa banta ng virus.
Ayon sa gobernadora, naglaan ang probinsiya ng P20 milyong pisong pondo para sa naturang programa upang suyurin ang mga komunidad sa iba’t ibang local government units (LGUs) sa lalawigan na may mababang bilang ng nabakunahan laban sa Covid-19; binigyan ng P200.00 cash incentive ang bawat indibidwal na magpapabakuna kasabay ng nakatakdang mobile vaccination sa iba’t ibang barangay.
Sa nasabing report, ang bayan ng Pikit ang nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng nabakunahan sa mobile vaccination sites na umabot sa 9,202 mula sa 9,558 na target sa nasabing bayan o 96.28%.
Samantala, ang pag-akyat ng bilang ng mga nabakunahan sa lalawigan ang isa rin sa mga tinitingnang dahilan kung bakit bumaba ang mga kaso ng Covid-19 sa probinsiya na nasa 98 active cases, at 13 new cases na lamang as of November 23, 2022.
Hinikayat naman ni Gov. Mendoza ang mga alkalde lalo na sa mga munisipyo ng Aleosan at Midsayap na may pinakamababang turn-out sa ginawang mobile vaccination na doblehin ang pagsisikap lalo pa at may natitira pang higit P5 milyong piso mula sa P20M na budget ng programa.//idcd-pgo//