Amas, Kidapawan City| Nobyembre 10, 2022- Bilang bahagi ng pagsisikap na masimulan ang operasyon ng Central Mindanao Airport (CMA) sa Tawan-tawan, Mlang sa lalong madaling panahon, isang on-site inspection ang isinagawa ng mga concerned agencies nitong Miyerkukes November 9 upang suriin ang kasalukuyang pisikal na estado nito.
Naroon sa nasabing assessment ang mga representante ng iba’t ibang ahensiya na pinangunahan nina Engr. Raul Glorioso ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Engr. Edward Reyes ng Department of Transportation (DOTr), National Economic and Development Authority (NEDA) Regional Director Teresita Socorro C. Ramos, Engr. Renato Buhat Jr., Area Development Office, South Central Mindanao at Engr. Makmod Pasawilan ng Planning and Research Division na parehong mula sa Mindanao Development Authority (MinDA), Engr. Jenelyn P. Matondo ng SOCCSKSARGEN Area Development Program Office (ADPO), Department of Agrarian Reform, M’lang Mayor Atty. Russel M. Abonado, Angelito G. Sanque ng CMA-Technical Working Group, at marami pang iba.
Matapos ang nasabing physical assessment ng paliparan dumiretso ang grupo sa Provincial Capitol para opisyal na pag-usapan ang naging resulta ng pagsusuri.
Ilan sa naging rekomendasyon ng CAAP ay ang pagpapatayo ng temporary perimeter fence upang masiguro ang seguridad ng mga ipapatayong pasilidad sa loob nito at ang posibleng pagtalaga ng security personnel sa lugar, pati na rin ang mga susunod na hakbang upang ma-secure ang iba pang mga dokumentong kinakailangan.
Pareho namang siniguro nina Provincial Administrator Aurora P. Garcia, kinatawan ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza at Provincial Legal Officer Atty. John Haye Deluvio na musising ikokonsidera ng pamahalaang panlalawigan ang nasabing
rekomendasyon at obserbasyon ng mga eksperto kasama ang iba pang stakeholders.
Kasabay rin nito, nagkaroon din ng ceremonial turnover ng 23 land titles ng mga lupa na ginamit sa naturang proyekto. //𝘪𝘥𝘤𝘥//