Amas, Kidapawan City| Nobyembre 9, 2022- Kasama si Assistant Majority Floor Leader at Cotabato 3rd District Representative Congresswoman Ma. Alana Samantha T. Santos, Deputy Director General for Administration Atty. Danjun G. Lucas ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), SOCCSKSARGEN ADPO Program Engr. Ginalyn Fe Cachuela at mga kinatawan ng ibat-ibang opisina mula sa (CAAP) at lalawigan ng Cotabato, personal na nakipagpulong si Gov. Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista upang mabigyan ang kalihim ng updates sa patuloy na paghahanda sa operasyon ng Central Mindanao Airport.
Layunin ng pagpupulong na ito ang mabigyan ng komprehensibong updates ang kalihim lalung-lalo na sa kasalukuyang estado ng mga lupang sakop ng paliparan at ang pagsasaayos ng titulo ng mga ito.
Sentro din ng naturang pagpupulong ang mga kinakailangang gamit sa paliparan tulad ng Control Tower, Air to Ground Communication Equipment, Weather Instruments, Fire Truck and Rapid Intervention Vehicle. Ang mga ito ay ang mga karagdagang pasilidad upang maari ng tumanggap ang paliparan ng mga commercial at cargo planes.
Ipinaabot din ni Gov. Mendoza ang kakailanganing karagdagang pondo para maisakatuparan ang kabuoang konstruksiyon ng paliparan ayon sa aprobadong program of works nito at tuluyang mabuksan ang paliparan na alinsunod sa aviation safety standards ang mga nailagay na pasilidad.
Masaya namang tinanggap ni Sec. Bautista si Gov. Mendoza at ang mga kasama nito at nagpahayag ng kagalakan sa mga developments na pinatutupad ng Gobernadora at nangakong susuportahan ang lalawigan sa pagtatapos ng konstruksyon at pagbubukas ng paliparan.
Patuloy ang ginagawang pangangalap ng karagdagang pondo ni Governor Mendoza, Congresswoman Santos at Deputy Speaker and TUCP Representative Cong. Raymond Mendoza upang tuluyan ng matapos at mabuksan ang Central Mindanao Airport.