Amas Kidapawan City| Oktubre 14, 2022- Muli na namang naipakita ng mga personahe ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na sila ay hindi lamang nakatututok sa paghuli ng mga kriminal at pakikipagbakbakan sa mga terorista o rebeldeng grupo, sila ay bukas din sa pagtulong at pagbibigay ngiti sa mga kababayan nating nangangailangan.
Sa isinagawang serbisyong totoo caravan nitong araw ng Miyerkules, Oktubre 12, 2022 sa Brgy. Anapolon, Arakan, Cotabato maliban sa pagbibigay ng kasiyahan sa mga residente na dumalo sa aktibidad, namigay din ang PNP Arakan ng 50 pares ng tsinelas na naghatid ng saya sa mga batang benepisyaryo.
Samantalang, gamit pangsaka naman ang ipinamahagi ng AFP sa mga magsasaka ng barangay Anapolon na kanilang magagamit sa pang araw-araw na paghahanap buhay.
Ang serbisyong totoo caravan ay bahagi ng programang pangkapayapaan o whole-of-nation approach na isinusulong ng pamahalaang nasyunal sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at local government units.
Ang nasabing programa ay suportado ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza na naniniwalang ang usaping pangkapayapaan ay responsibilidad hindi lamang ng mga nasa katungkulan kundi ng buong sambayanan.//idcd//