Amas, Kidapawan City|October 14, 2022 – Matapos ang matagumpay na vaccination campaign sa 14 local government units (LGUs) na may mababang bilang ng nagpabakuna kontra Covid-19, muling bumaba ang mga frontliners sa komunidad nitong linggo para sa ikalawang round ng Cotabato Intensive Vaccination Drive.
Umabot sa 4,202 ang mga nagpabakuna sa loob ng dalawang araw na aktibidad sa tulong ng vaccination team mula sa Rural Health Units at iba pang health volunteers sa mga LGUs.
Ayon kay National Immunization Program Coordinator Joanna May Aranas ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), unang binalikan ng grupo ang bayan ng Banisilan nitong Lunes October 10 at nakapagtala ng 2,481 na mga nagpabakuna ng 1st dose, 492; 2nd dose, 687; 1st booster, 1,089 at 2nd booster shots, 213.
Nasa 1,721 na mga indibidwal ang kusang nagpaturok ng kaparehong bakuna sa bayan ng Magpet noong Martes October 11 kung saan 487 dito ay 1st dose, 509 ang 2nd dose habang 598 at 127 naman ang binigyan ng 1st at 2nd booster shots.
Namigay rin ang pamahalaang panlalawigan ng P840,400.00 halaga ng cash incentive para sa lahat ng mga nagpabakuna sa vaccination site o P200.00 bawat isa.
Ang nasabing hakbang na inilunsad sa unang linggo ng Agosto nitong taon ay ayon na rin sa layunin ni Governor Emmylou โLalaโ J. Taliรฑo-Mendoza na maabot ang herd immunity sa lalawigan at masiguro ang proteksyon ng mamamayan laban sa nakakamatay na virus.
Batay sa datus mula sa IPHO, nakapagtala ng dagdag na 35,159 indibidwal mula sa mga bayan ng Aleosan, Banisilan, Midsayap, Libungan, Carmen, Pikit, Matalam, Magpet, Kabacan, Pigcawayan, Mlang, Tulunan, at Alamada ang nabakunahan sa unang round ng kampanya.
Umaasa ang pamahalaang panlalawigan na sa pangalawang round ng intensive vaccination drive nito ay mas marami pa ang mahikayat na magpabakuna kontra Covid-19.//idcd// Photo credit: IPHO