Governor Mendoza dumalo sa LPP 2nd General Assembly

Dumalo sa isinagawang League of Provinces of the Philippines (LPP) 2nd General Assembly si Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza na ginanap sa The Farm@Carpenter Hill, Koronadal City, South Cotabato, nitong Biyernes, September 30, 2022.

Kabilang sa mga napag-usapan sa nasabing pagpupulong ay ang rekomendasyon ng LPP Committee on Agriculture and Food sa problemang kinakaharap ng mga magsasaka sa buong Pilipinas.

Isa sa mga naging rekomendasyon ay ang pag review ng Rice Tariffication Law at ang pagbabalik ng regulatory power ng National Food Authority o NFA.

Sinang ayunan naman ni Governor Mendoza ang rekomendasyong ito at sinabing kailangang pag-aralang muli ang nasabing batas na ang pangunahing layunin sana ay pababain ang presyo ng bigas ngunit hindi naman ito ang tunay na nangyayari sa kasalukuyan.

Sa nasabing pagpupulong iprenisinta din ni Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin D. Abalos, Jr. ang hinggil sa EO 138 o full devolution of certain functions of the executive branch to the local government.

Ayon kay Sec. Abalos sa ngayon ay ni-rereview pa ng DILG ang ilang bahagi ng nasabing EO upang maayos itong maipatupad sa iba’t ibat antas ng local government units.

Nabanggit din ni Governor Mendoza sa nasabing pagpupulong ang Conditional Matching Grant to Provinces na dapat maipagpatuloy dahil malaki ang maitutulong nito sa pagsasaayos ng mga daan sa mga lalawigan.

Ang nasabing pagpupulong ay pinangunahan ni LPP National President Governor Reynaldo S. Tamayo at dinaluhan ng mga gobernador mula sa iba’t ibang panig ng bansa.//idcd//