Amas, Kidapawan City- Upang magbigay inspirasyon sa mga visual artists ng probinsya inimbitahan ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato ang tanyag at prolific artist mula sa Mindanao na si Ray Mudjahid Ponce Millan o mas kilalang si Kublai Millan.
Si Millan na isang pintor at eskultor ay bumisita sa lalawigan nitong Setyembre 2-3, 2022, kung saan ibinahagi nito sa 20 local artists ng probinsya ang kanyang mga karanasan bilang alagad ng sining bago pa man nito makamit ang tinatamasang tagumpay.
Kasama nito sa pagbisita ang mga kilala ring artists mula sa Davao City na sina Jeff Bangot at Victor Dumaguing na nagbahagi din ng kanilang kaalaman hinggil sa history of art (rennaisance period to contemporary art), acrylic painting, canvass measurement, choice of color at marami pang iba.
Ang mentoring with Kublai Millan at iba pang kasama nitong artists ay bahagi ng inisyatibo ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza na mas lalo pang malinang ang angking talino at kakayahan ng mga lokal na alagad ng sining ng probinsya.
Ang aktibidad ay ginanap sa Museyo Kutawato bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-108 Founding Anniversary ng lalawigan.//idcd-pgo//
Photo Credit: Museyo Kutawato