Amas, Kidapawan City (Hulyo 27, 2022)-Abot sa P172,447.00 na halaga ng karne, processed meat products, embryonated egg (balut) at manok panabong ang nakumpiska ng Office of the Provincial Veterinarian sa pinaigting nitong kampanya kontra African Swine Fever at Avian Flu Virus dahil sa hindi nito pagsunod sa veterinary quarantine measures na ipinapatupad ng probinsya.
Batay sa datus, as of July 7-21, 2022 mahigit kumulang sa 172 kilos ng karneng baboy, 140 kilos pork chicharon, 213 kilos chorizo, 1,200 pieces embryonated eggs at 5 manok panabong ang nasabat ng mga personahe ng OPVet na nakatalaga sa veterinary quarantine service centers na matatagpuan sa 9 borders ng probinsya.
Naharang din ng tanggapan sa nasabing pinaigting na kampanya ang 41,789 poultry animals at 1,752 kilos na mga processed meat products na walang kaukulang dokumento sa pagpasok ng kanilang produkto at hayop sa lalawigan na agarang pinabalik ng tanggapan sa kanilang mga pinagmulang probinsya upang kumuha ng mga kinakailangang rekesitos na nakasaad sa polisiyang itinakda ng pamahalaang panlalawigan.
Sa ngayon ang pamahalaang panlalawigan ay nagtalaga ng 65 personahe sa 9 na quarantine service centers na matatagpuan sa Brgy. Dallag, Kabalantian at Katipunan, Arakan, Brgy. Gastav, Banisilan, Brgy. Tambad, Carmen, Old Bulatukan, Makilala, Salunayan, Midsayap, Central Panatan, Midsayap at Brgy. Bual sa bayan ng Tulunan na siyang inatasang tututok sa kampanya kontra ASF at Bird Flu na maituturing na malaking banta sa livestock at poultry industry ng probinsya.
Sa isinagawang inagurasyon ng bagong Veterinary Quarantine Service Center sa bayan ng Makilala noong nakaraang Lunes, Hulyo 18, 2022 binigyang diin ni Governor Emmylou Taliño-Mendoza na ang probinsya ay magiging aktibo sa pagpapatupad ng striktong veterinary protocols upang mapigilan ang kasiraang maaaring idulot sa agrikultura ng mga nakakahawang sakit sa mga hayop.
Nanawagan naman ngayon ang OPVet sa lahat ng mga indibidwal na nais pumasok sa probinsya na may dalang farm animals at processed meat products na sundin ang lahat alituntunin at polisiyang itinakda ng provincial government upang maiwasan ang pagkabalam ng kanilang biyahe at pagkumpiska ng kanilang mga produkto.//idcd-pgo//