Inagurasyon ng P14.7M na Provincial Veterinary Quarantine Service Center sa bayan ng Makilala isinagawa

Provincial Veterinary Quarantine Service Center sa Old Bulatukan, Makilala Cotabato na pormal na pinasinayaan nitong araw ng Lunes, Hulyo 18, 2022.

Amas, Kidapawan City (Hulyo 18, 2022)- Pormal na isinagawa ngayong araw, Hulyo 18, 2022 sa pangunguna ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño Mendoza ang inagurasyon at blessing ng P14.7M Provincial Veterinary Quarantine Service Center sa Old Bulatukan, Makilala Cotabato.

Ang nasabing proyekto ay pinondohan ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato noong 2018 sa ilalim ng pamumuno ni Governor Mendoza.

Ang pasilidad ay may layuning imonitor ang lahat ng mga livestock at poultry animals, pati na rin ang mga processed meat products na pumapasok sa lalawigan upang maiwasan ang pagpasok ng mga nakakahawang sakit sa mga farm animals gaya ng African Swine Fever at Avian Influenza Virus na maituturing na  malaking banta sa sektor ng agrikultura.

Sa kanyang mensahe, pinapurihan naman ni Bureau of Animal Industry (BAI) XII Regional Veterinary Quarantine Officer Dr. Castor Leo A. Ejercito ang pamahalaang panlalawigan  ng Cotabato dahil aniya ang probinsya ang mayroong pinakamalaking Veterinary Quarantine Service Center sa buong Rehiyon XII.

Pinasalamatan naman ni Governor Mendoza si Former Board Member Loreto Cabaya ang may akda ng Provincial Ordinance No. 558, “Enacting the Veterinary Quarantine Ordinance of Cotabato Province” na malaki ang naging kotribusyon sa pagpapatayo ng naturang pasilidad.

Binigyang diin rin nito na prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ang kapakanan ng sektor ng agrikultura sa lalawigan na may  malaking papel na ginagampanan sa usapin ng food security.

“As agricultural province, we have to take care of our farmers because they are the real backbone of our economy,” wika ni Mendoza.

Nagpasalamat din ito sa BAI XII sa pagbibigay ng disinfection truck na magagamit sa operasyon ng naturang center.

Kasama rin nasabing aktibidad sina 3rd District Representative Samantha Santos, 3rd District Board Member Jonathan Tabara, PARCOMM Member Dr. Carlota Sandique,  President Roxas Municipal Mayor Jonathan Mahimpit, Kabacan Municipal Mayor Evangeline Guzman, Magpet Municipal Mayor Jay Laurence Gonzaga, Aleosan Mayor Eduardo Cabaya, Matalam Vice Mayor Ralph Ryan Rafael, Makilala Councilor Donna Dela Cruz, Former Board Members Loreto and Rose Cabaya, representante mula sa academe, department heads at iba pang stakeholders. //idcd//