Amas, Kidapawan City (Hulyo 18, 2022)- Bilang tugon sa panawagan ng Kidapawan City Government, agarang nagpaabot ng tulong ang pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa mga naapektuhan ng pagbaha sa nabanggit na lungsod bunsod ng malakas na pag-ulan nitong araw ng Sabado, Hulyo 16, 2022.
Sa pangunguna ng ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), abot 77 pamilya mula sa mga barangay ng Sudapin at Balindog ang nakatanggap tig-25 kilong bigas, canned goods, kape, kumot, mosquito nets at plastic mats na ipinamahagi nitong Linggo, Hulyo 17, 2022.
Ayon kay PDRRMO Head Mercedita Foronda, ang pagbibigay ng relief goods sa mga nasalantang residente ay bahagi ng naging tugon ng pamahalaang panlalawigan sa direktiba ni Governor Emmylou Taliño Mendoza na agarang aksyunan ang pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan.
Nagpasalamat naman si Kidapawan City Mayor Paolo Evangelista sa mabilis na pagtugon ng probinsya sa kanyang kahilingan na mabigyan ng karagdagang ayuda ang kanyang nasalantang nasasakupan.
Nagpaalala naman ang ina ng lalawigan sa mga residente na nakatira sa tabing ilog at landslide prone areas na mag ingat at agarang lumikas kung kinakailangan lalo na kung nakakaranas ng malakas na pag-ulan.
Kasama rin sa naturang pamamahagi sina City Councilors Airene Claire “Aying” Pagal at Judith Navarra, PDRRMO Head Mercedita Foronda, at CSWD Head Daisy Perez.//idcd-pgo//