Upang maging handa ang probinsya ng Cotabato sa pagresponde sa panahon ng sakuna at kalamidad, pinaiigting ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato ang paghahanda.
Ito ang inihayag ni Governor Emmylou Taliño-Mendoza sa pagbubukas ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month sa bayan ng Carmen nitong Hulyo 1, 2022 na dinaluhan ng abot sa 700 kawani mula sa PDRRMC, local government units (LGUs), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at empleyado ng probinsya.
Kabilang sa mga programang pinapalakas ng kasalukuyang administrasyon ay ang paglulunsad ng road safety program o “Task Force Kalsada”, pagsasagawa ng earthquake and other natural and man-made calamity drills para sa mga estudyante, empleyado, eskwelahan at iba’t ibang establisyemento ng probinsya, pasasanay sa mga 1st responders ng lalawigan, tree planting activities at marami pang iba.
Personal namang pinasalamatan ni Governor Mendoza sa nasabing aktibidad ang mga 1st responders sa kanilang dedikasyon at sakripisyo sa pagsagip ng buhay ng kapwa Cotabateño sa kabila ng panganib na kaakibat ng kanilang trabaho.
Samantala, sentro naman sa pagdiriwang ng National Resilience Month ngayong Hulyo ang sumusunod na aktibidad, Run for Resilience Activity, NDRM Tiktok Challenge, Essay Making Contest,.Draw and Tell Contest, Basketball Tournament for Responders, Mass Casualty Incident Competition, Tree Planting Activities at Physical Fitness Program.//idcd//