Prayoridad ngayon ng pamunuan ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza ang pagbibigay ng dekalidad na serbisyong medikal sa bawat Cotabateño.
Kaya naman, sa unang dalawang linggo ng kanyang panunungkulan agad nitong binisita ang walong pampublikong pagamutan na nasa ilalim ng pamamahala ng pamahalaang panlalawigan. Ito ay kinabibilangan ng Cotabato Provincial Hospital (CPH) sa Brgy. Amas, M’lang District Hospital (MDH), sa bayan ng M’lang, Fr. Tulio Favali Municipal Hospital sa bayan ng Tulunan, Alamada Community Hospital sa bayan ng Alamada, Dr. Amado Diaz Hospital sa bayan ng Midsayap, Aleosan District Hospital sa bayan ng Aleosan, Pres. Roxas Community Hospital sa bayan ng President Roxas, at Arakan Valley District Hospital sa bayan ng Antipas.
Layunin ng naturang pagbisita na alamin ang pangangailangan ng mga nabanggit na pagamutan at tiyakin na ang mga pasilidad na ginagamit ay maayos pa upang ang mga kawani ay maging handa sa pagbibigay ng serbisyo lalo na sa mga pasyenteng Cotabateño na nangangailangan ng agarang medikal na atensyon.
Sa pakikipag-usap ni Mendoza sa mga hospital staff at personnel, binigyang diin nito na bilang health care providers tungkulin ng mga ito na siguruhing nasa maayos at komportableng kalagayan ang kanilang mga pasyente.
“As a health care provider, it is our duty to take care of our patients and ensure their safety,” wika ng gobernadora.
Pinaalalahanan din nito ang mga kawani na panatilihing malinis ang pagamutan dahil nakasalalay rin dito ang mabilis na paggaling ng mga pasyente.
Nangako naman itong tutugunan ang ilan pang pangangailangan ng mga pagamutang pag-aari ng probinsya upang mas maging epektibo ito sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko.//pgo//